Thursday, May 18, 2006

Sa Siwang ng Bintana

Sa siwang ng bintana sa aking kinalulugaran ay nakikita ko ang pag-galaw ng mundo. Mabilis na pag-galaw ng mga sasakyan, ang mabilis na paglakad ng mga tao at ang mabilis na paglipas ng oras. Isang mundong hindi ako kabahagi sa kasalukuyang panahon. Ito ang mundong walang kaalam-alam na may isang taong nakamasid sa likod ng bintana.

Sa likod ng bintana, ang mundo ay tila napakabagal ang pag-ikot. Ang mga tao ay tila mga de susing manika na iisa ang ginagawa.Paulit-ulit, pare-pareho at tila walang katapusan. Ang mundo sa likod ng bintana ay tila nakakahon sa apat na sulok nito.

Sa kabila ng matinding sikat ng araw sa mundo sa labas ng bintana ay handa kong ipagpalit ang malamig at kumportableng kinalulugaran ko maging bahagi lamang ng mundong iyon. Ang mundong naging minsa'y paraiso sa akin ay tila isang limbo na lamang ngayon.

Malamig na aking kape, pero patuloy pa rin akong nakamasid sa siwang ng bintana..Naghihintay ng oras para muli akong maging bahagi ng mundong iyon...

No comments: